Inigib ka ngunit kulang - Tubig
by: Rowell Salvador & Gregorio Ydel Jr.


Araw-araw, pag-iigib ng tubig sa umaga mula sa kalahating kilometrong layo mula sa bahay ang pinaka ehersisyo ni Mang Kanor na may edad na pitumput walo kasama ang kanyang apo na nasa ika apat na baitang sa elementarya. Marahil matagal ng problema ang kakulangan sa tubig na ginagamit araw-araw ng kanilang pamilya. “Mahigit tatlumpung (30) taon na akong nakatira dito sa Batanes, pero mula noon hanggang ngayon problema pa rin ang kakulangan ng tubig”, isang salaysay naman mula sa isang high school teacher.

Kailan ba matatapos ang matagal na iniindang dagok ng probinsyang ito sa sistema ng tubig? Sa katunayan, siyamnapong porsyento (90%) ng probinsya ay anyong tubig, subalit nasa mahigit dalawang porsyento (2.3%) lamang dito ang malinis at puwedeng inumin kung kaya’t talagang kulang na kulang para sa mahigit labing pitong libong (17,000) mamayang nakatira dito. Maaari pang mabuhay ang tao na walang kuryente kaysa walang tubig, subalit ang isa pang problema ay kapag nawalan ng kuryente sabay na ring mawawala ang tubig. Ano nga ba ang sagot ng ating gobyerno sa suliraning matagal nang nararanasan ng mga tao hindi lamang ng mga Ivatan kundi ng mga taong nakatira rin dito.

“Hindi sapat ang Local Government Fund (LGF) para maisaayos ng mabilisan at tuluyan ang sistema ng ating katubigan dito sa Basco. Sa katunayan, umaasa pa ang LGU sa National Government Fund (NGF) para sa mga ganito kalaking proyekto. Nailaan na ring nakaraang administrasyon ang pondo para sa pagsasaayos sa sistema ng tubig ngunit dahil matagal ang procurement process, hindi pa agad-agad na maisasakatuparan ang plano para rito. Ang pondo ng Local Government ay para lamang sa assistance o emergency na kinakailangan kapag may nasira at kailangan agarang solusyon. “Umuutang nga lang kami sa mga hardware kapag very urgent, pero binabayaran naman kapag may pondo na,” ani Hon. Anastacia Viola, alkalde ng Basco. “Lalo na ngayon, katatapos lang ng matinding bagyo (Ferdie), talagang malaki ang kakulangan natin sa katubigan, pero ginagawa natin ang lahat para maging maayos ang pang araw-araw na pamumuhay ng ating mga kababayan,” dugtong pa niya.

Ayon pa sa kanya, napakahirap talaga ng kalagayan ng katubigan ng Basco lalo na’t luma na ang mga tubo at tagpi-tagpi na. Masukal din ang kinaroroonan niyon kung kaya’t mahirap ding tuntunin. Sadyang sa pagkakataong ito ay kailangan ang lubos na pang-unawa sa bagay na ito. Sa huli, isang paalala pa rin ang dapat nating tandaan sa mga panahong ito o sa kahit na ano pang panahon. Hindi masama ang paggamit ng tubig sapagkat ito pa nga ay nakatutulong upang maging maayos ang ating pang araw-araw na pamumuhay. Ang isa sa maaring maiambag ng bawat tao ay ang mabuting disiplina sa paggamit nito sapagkat walang makagagawa nito kundi tayo- tayong mga nakatira sa lugar na ito. Ang sabi nga ng isang tula “lalo mong malalaman ang kahalagahan ng isang bagay kapag nawala na."



Untitled Document